May 11 panibagong consular offices sa mga shopping mall sa buong bansa ang bubuksan bago matapos ang taon, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Una nang pinasinayaan kahapon ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ang bagong DFA consular office sa Ayala Land’s MarQuee Mall sa Angeles City, Pampanga.
Kayang serbisyuhan ng naturang mall ang 500 passport applicants araw-araw. Ito ang ikatlong mall-based consular facility sa bansa, kasunod ang Pacific Mall sa Cebu at ang Robinsons Starmills sa San Fernando.
Magbubukas simula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi, Lunes hanggang Sabado ang mga nabanggit na mall-based office at half day naman tuwing Linggo para sa mga magke-claim ng kanilang pasaporte.
Planong buksan ng DFA ang mga consular offices sa mga sumusunod na mall: Robinsons Galleria, Robinsons Lipa, Robinsons Bacolod, Robinsons Dumaguete, Robinsons General Santos, SM Megamall, SM Manila, SM Baguio, SM Davao, Pacific Mall Legazpi at Metro Gaisano Alabang.
Bubuksan din umano ang mga passport offices sa Laoag, Batangas, Iloilo, Tacloban, Puerto Princesa, Butuan at Cagayan de Oro bago sumapit ang 2014. Report from ABS-CBN News